2023-12-12
Sa mga dilang nakapulupot, nakatupi
Sa mga brasong nanginginig, maging mga binti
Sa mga labi na natuyo kakahikbi
Di mapaliwanag na walang karangyaan, kahit na panandali
Oh kahirapan na sa akin ay gumagapos
Mga panaghoy ko'y umabot na sa pamamaos
Di masasabing tamad dahil pagod ikamatay kong halos
Pagbabanat ng buto, kailan ma'y di matapos-tapos
Bumabangon, kumikilos, kumakayod
Papasok sa trabahong puyat, uuwing pagod
Aalis na ang araw ay di pa bumabangon, uuwing ito'y palubog
Nagpapahirap na sakit ng katawan, di mapawi ng hagod
Mula sa pagdilat ng mata sa umaga
Stressed na sa ingay, init, at traffic ng kalsada
At pagdating sa pabrika, o kung ano pa man na opisina
Tambak na gawain ang bubungad na gawa
Negosyo ang nagpapabuhay sa ekonomiya, di maikakaila
Ngunit mayroon pa ring capitalistang mapagsamantala
Endo at 555 hanggang ngayon hindi mawala-wala
Gobyernong di ko mapagkakatiwalaan sa pamamahala
Asan ang pag-asa?
Sa pinangakong bente pesos na bigas na ngayo'y halos sisenta?
Sa di na makataong pagtaas ng krudo at gasolina ?
Sa seguridad ng bansa sa banta ng Tsina?
At ano ang magagawa namin? Kami ba ay dapat umalis?
Ang pamilya namin ay nandito. Di naman kayang matiis
Maging OFW at makipagsapalaran sa ibang bansa
Yan na lang ba talaga ang pangarap na may tyansa
Hindi namin kailanman kailangan ang pinaka marangyang buhay
Hangad namin seguridad sa trabaho na hindi dapat pinaghihintay
Makataong at karapat dapat na sweldong dapat kusang ibinibigay
Ano ba sa mga ito ang aming pagmamalabis?
At heto kami ngayon sa paghahanapbuhay patuloy
Ano tawag sa amin? Kami'y exploited na manggagawang pinoy
Serbisyo namin rito, sa mayayaman ang daloy
Walang pag-asang umasenso, ang Pilipinas ba'y kumunoy